(02) 8990-0909 | it@pandayan.net
Ang Pandayan Bookshop ay isang retail chain na nakakalat sa buong Luzon. Ang head office at distribution center nito ay nasa Paso de Blas, Valenzuela City. Maliban sa pagtitinda, ang Pandayan ay nagsasagawa ng Sining Pandayan o arts and crafts workhops. Lagpas 100,000 na guro at estudyante ang sumasali dito. Tuwing Pebrero, kung kailan ipinagdidiwang ang Pambansang Buwan ng Sining, ay nag-oorganisa ang Pandayan ng poster making contest, lyre band contest, at dance competion sa Malolos, Bulacan. Bukod sa paglilingkod sa mga panauhin sa loob ng tindahan, lumalabas din ang mga Panday (empleyado ng Pandayan) para mag-fieldwork. Binibisista nila ang mga Panauhin (customer) sa kanilang mga opisina o paaralan para alamin ang kanilang mga pangangailangan.
Kilala na ang Pandayan Bookshop bilang isang kompanya na mahusay ang palakad. Halos lahat ng 135 na sangay ay Bagwis awardee ng Department of Trade and Industry. Nanalo rin ang Pandayan sa Productivity Olympics ng National Wages and Productivity Commission ng Department of Labor and Employment. Pero higit sa lahat, kinikilala ng mga Panauhin ang mahusay na paglilingkod ng Pandayan Bookshop. Ang mga Panday ay maaasahan, tapat, masayahin, at may malasakit sa mga Panauhin.
Paano nagsimula ang Pandayan? Noong 1993, hiniwalay ng CVC Supermarket sa Grace Park, Caloocan City ang kanilang school and office supplies section at tinawag itong Pandayan Bookshop. Ang unang pokus ng Pandayan ay ang pagtitinda ng school and office supplies, gift items, greeting cards, at stationery pads. Ang layunin ng paghiwalay na ito ay para maging malaya ang Pandayan na sumubok ng ibang pamamaraan ng pamamalakad ng negosyo. Malaon ay nadagdagan ang paninda ng Pandayan ng mga libro, magazines, snacks and beverages, sporting goods, arts and crafts, at iba pang mga gamit na kailangan ng mga estudyante sa vocational schools.
Ang lakas at tagumpay ng Pandayan Bookshop ay nagmumula sa kanyang mga empleyado – ang mga Panday. Sila ay binigyan ng kapangyarihang sa pagpapasiya at ito ang naging daan para mahubog ng husto ang kanilang kakayahan at pagkatao. Mula sa kapangyarihang ito na taglay ng bawat Panday ay nabuo ang konspeto ng Kapwa Company – isang samahan kung saan ang bawat kasapi ay tinatawag na Kapwa at ang layunin ay hubugin ang mabuting pagpapakatao, pakikipagkapwa-tao, at pagkamakatao ng bawat isa. Sa pamamaraan na ito ay nagiging malikhain ang bawat Kapwa Panday at pinatitibay nito ang buong samahan.
Nahahati ang kasaysayan ng Pandayan sa tatlong bahagi. Ang unang bahagi ay ang Pandayan Uno. Sa Pandayan Uno, ang Pandayan ay nakatuon lamang sa pagtitinda. Ang unang sangay sa Caloocan ay mahina. Kumita lamang ang Pandayan noong nagbukas ng pangalawang sangay sa Baliuag, Bulacan. Ang tagumpay ng sangay sa Baliuag ang naging dahilan para magbukas pa ng mga sangay sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Sa panahong ito, gumawa rin ng mga paraan ang Pandayan para mapabuti ang quality of life ng mga Kapwa Panday.
Sa Pandayan Dos ang Pandayan ay nagtitinda at tumutulong sa pamayanan. Tinutulungan ng Pandayan ang Nazareth Home for Children in Bulacan; ang vocational school ng Our Lady of Grace Parish sa Caloocan City; Tulay ng Kabataan Foundation sa Quezon City; Philippine Eagle Foundation sa Davao; at ang Philippine General Hospital Foundation sa Maynila. Nagbibigay din ang Pandayan ng medalya para sa outstanding graduating students ng elementary at high school. Taon-taon ang mga Panday ay nakikilahok sa Brigada Eskwela ng Department of Education. Mula dito ay nakikita nila mismo ang mga paaralan na matindi ang pangangailangan at bumubuo sila ng proyekto para matulungan ang mga ito. Ang pondo para sa mga proyektong ito ay mula sa Alyansa para sa Edukasyon (AE). Ito ay binubuo ng Pandayan Bookshop at katuwang na mga suppliers.
Ngayon, sa Pandayan Tres, nagtitinda, tumutulong at nagsisilbing liwanag ang Pandayan sa pamayanan. Ang Kapwa Panday ay inaasahan na maging halimbawa ng mabuting pagpapakatao, pakikipagkapwa-tao, at pagkamakatao. Tinutulak ang Kapwa na magkaroon ng makabuluhang buhay sa tulong ng Pangarap para sa Panday. Ito ang pangarap na magkaroon ng sariling bahay at lupa, mapag-aral ang anak sa mahusay na paaralan, makakain ng masustansyang pagkain, magsuot ng maayos na damit, at makapamasyal paminsan-minsa. Para makamit ito ang Pandayan Bookshop ay mayroong incentive compensation; ang lahat ng Panday ay kasapi sa dalawang kooperatiba; mayroong family-friendly benefits.
Ang pagmamahal at malasakit na binibigay ng Pandayan sa kanyang empleyado ang siyang tumutulak sa bawat Kapwa Panday na paghusayan ang kanyang trabaho at maglingkod sa mga Panauhin na walang hinihinging kapalit.