Adventure sa Alyansa
Matapos ang serye ng Alyansa sa Edukasyon namin sa Sanchez Mira, Aparri, Tumauini, at Solano akala ko ito na ang pinaka-adventure sa lahat ng amin pinuntahan. Pero noong nagkaroon tayo sa Mindoro iniisip ko kakaibang adventure din ang aming mararanasan dito. Una na dito ang pagtawid namin sa dagat patawid ng isla ng Mindoro.
Ito ang unang pagkakataon na tumawid ang team ng Alyansa sa dagat. Nabanggit sa amin na mayroon kaming tatawiring ilog kaya naman bilang paghahanda nagdala kami ng sandals at short dahil kung minsan daw ay lagpas bewang ang taas ng tubig. Ang inaalala lang ng mga teachers na kausap namin doon ay huwag lang daw sanang uulan. Pero habang papunta kami ay maulan hindi naman gaanong malakas pero pabugso-bugso ang ulan. Siguro kasi papalapit na kami sa kabundukan.
Mula sa mismong tindahan ikinarga namin ang mga dalang school supplies kits sa tricycle na minaneho ng ating Kapwa na si Sir Reymar, kasama si Sir Kid at si Maam Vina. Mayroong isang oras mahigit ang biyahe papunta sa barangay ng San Andres kung saan doon mayroong naghihintay sa amin. Doon na rin namin iiwan ang sasakyan na aming dala. Ililipat ang mga kahon sa dalang kariton na hinihila ng kalabaw na siyang maghahatid at magtatawid ng mga donasyon natin. Ang dinaanan namin ay gilid ng pilapil, irigasyon, talahib, ilog, kapatagan at bundok. Sa pagbagtas namin papuntang paaralan may pagkakataong lumakalas ang ulan, nakakapag-alala dahil tatawid kami ng ilog at mayroon din kaming mga personal na dalang gamit.
Sa paanan ng bundok malapit na kami sa mismong paaralan ng Bucayao hindi na kayang umakyat ng kalabaw. Kaya naman binuhat na isa-isa ang mga dalang kahon ng donasyon. Nakakatuwa dahil ang mga mag-aaral ay nakibuhat na rin dahil mas kabisado nila ang paakyat at madulas ang aming dadaanan sapagkat maputik at malumot gawa ng ulan.
Para sa akin isa ito sa pinakamagandang adventure namin sa Alyansa. Totoong nakakapagod ang bawat biyahe at kung madalas puyat dahil kailangan din ayusin ang mga files para mai-upload kaagad. Pero ang pinaka-reward namin ay ang masayang karanasan kasama ang mga mag-aaral at ang kanilang matamis na ngiti ng pasasalamat.
Kung may pagkakataong bumalik at maghatid muli ng tulong para sa kanila kahit na hindi biro ang papunta paakyat ng bundok sa kanilang paaralan. Gugustuhin kong sumama ulit. Magdadala ako ng ilang gamit na maaari kong ibigay sa kanila, makilipag-kwentuhan at makikipaglaro.