Bagong Taon para sa Kapwa Panday
Sa pagpasok ng bagong taon ay panibagong pag-asa ang hatid nito sa ating buhay. Kasabay ng pagsalubong sa bagong taon ay nakapagmuni-muni ako sa nagdaang taon, hindi lang sa aking personal na buhay pati na rin sa aking buhay-Panday. Ang taong 2023 para sa akin ay puno ng biyaya o masasabi ko na nag-uumapaw sa biyaya na aming natanggap kasama ng aking pamilya. Labis ang kagalakan sa aking puso kapag naiisip ko ang lahat ng blessings na dumating sa aming buhay. Mula sa isang masaya at kumpletong pamilya na madaragdagan pa ngayong taon, sa buhay pinansyal, maayos na tahanan at sa aking mga katrabaho ay masasabi ko na napakabuti sa akin ng Panginoon.
Kapag gabi nga na nagkukwentuhan kami ng aking asawa at napagmamasdan ko ang aming bahay na ngayon ay naka-kisame na at nakapintura na sa loob ay isa lang ang masasabi ko. Ang dating pangarap ko lang na sariling bahay, ngayon ay reality na sa aming buhay at may bonus pa dahil almost finished na. Sabi nga eh, konting kembot na lang at mayayari rin!
Habang pinagmamasdan ko ang plake ng aking Lakbay Panday award na nakasabit sa dingding (for 15 years in service) ay parang nag-uumapaw sa galak ang aking puso. Ang bilang ng taon na ako ay kabilang sa pamilya ng Pandayan ay siya ring patunay kung gaano kabuti ang kompanya na aking napuntahan. Hindi sapat ang anumang salita para masabi ko ang aking pasasalamat na ako ay isang mapalad na Kapwa Panday. Ang Pangarap Para sa Panday ni Boss JVC ay ramdam namin talaga. Kaya naman sa pagpasok ng taong 2024, kasabay din nito ang aking pangarap na manatiling matatag sa pagharap ng mga darating na hamon sa ating mahal na kompanya. Patuloy na magsusumikap upang mas maisabuhay ang ating Kultura ng Tagumpay, ang Kapwa factor at pagkamit sa makabuluhang buhay na siyang gagabay sa atin sa tamang landas na dapat nating tahakin. Maraming salamat Pandayan Bookshop! Patuloy lang tayo sa pag-arya ngayong bagong taon. Padayon!