Balik ng Magandang Serbisyo sa Panauhin
Abala kami ngayong araw para sa darating na Annual Inventory. May isang Panauhin mula sa BFP ang nakiusap kung maaaring ipabalot ng plastic cover ang kaniyang Poster Making Art. Um-oo naman ako at mabilis ko lang itong nagawa. Tila namangha siya dahil napakabilis ko lang daw itong tinapos, “Iba talaga dito sa Pandayan! Bihasa na kayo sa iba at ibang gawain!” Nginitian ko na siya at nagpasalamat. Bigla na lang din siyang nag-aabot ng 100.00. Pang-kape ko raw. Hindi ko ito tinanggap at binanggit ko na ang bayad na niya ay yung service charge at sinabi kong balik na lang muli siya sa tindahan. Mayroon pa raw kasi silang hindi naibabalot na mga Poster Making Art. “Babalik talaga ako. Magdadala ako ng kape,” tila pabirong banggit niya.
Habang kumakain kami nina Kapwa Probee Jeen at Coleen ng lunch dumating din doon ang Panauhin na mula sa BFP. Bigla na lang siyang naglagay sa lamesa namin ng isang order na ulam. “O hayan na yung para dun sa pagbalot kanina. Salamat ha!” Namangha naman ang aking mga kasama. Totoo at marami raw pala talagang pangyayari na gaya ng narinig nila sa kanilang orientation. Maski si Kapwa Jeen pala ay nakaranas na rin ng ilang beses na libreng pamasahe sa jeep dahil siya raw ay taga-Pandayan.