Better Think Twice
Sa panahon ngayon, sobrang dami ang talagang mamamayan natin ang naghihirap. Iba-t ibang pagsubok ang dumadating sa buhay ngunit pilit na nakikipaglaban sa araw-araw. Marami rin namang mga tao ang handang tumulong. Ngunit kailan mo ba malalaman kung tama ba ang iyong pagtulong?
Habang kami ay nakaupo sa 7-11 ng aking anak ay may isang pamilya ang nakaupo sa kabilang mesa at may bitbit na mga bag na punung-puno ng mga damit. Ang lalaking kasama nila, siguro siya ang tatay, ay nagbubukas ng pintuan ng at may hawak siyang cup kung saan doon naglalagay ng mga barya ang mga tao. Ang kanilang mga kasuotan ay maayos naman ngunit marumi. Umiiyak ang batang kasama nila. Sa tingin ko ay nasa 3 o 4 na taong gulang. Hingi ito ng hingi ng pagkain. Nakatingin lamang ako. Wala akong maibigay dahil naiwan ko ang aking wallet. May mga panauhin ng 7-11 ang lumapit sa kanila dahil naririnig ang iyak ng bata. Ang unang taong lumapit sa kanila ay naghulog ng barya sa kanilang cup at nag-abot ng pera sa batang umiiyak. Tapos may isang matandang lalaki naman ang lumapit at inusisa sila. Tinanong kung taga saan sila. Ang kwento nila ay ang lalaki ay isang welder at may site na papasukan ngunit pagdating nila sa lugar ay wala silang naabutan. Sila ay galing pa ng Cavite at dumayo lamang sa Bulacan para sa trabaho. Naawa ang matandang lalaki sa kanilang kwento at binigyan sila ng malaking halaga upang makauwi na sila sa kanilang lugar. Nangiti lamang ako dahil sa magandang intensyon ng lalaki na tulungan sila. Laking tuwa din nila dahil may pamasahe na sila pauwi. Ngunit makalipas ang ilang araw, muli ko silang nakita kung saan sila lumalagi.
Ang mga taong alipin ng salapi ay gagawa at gagawa ng paraan upang magkaroon nito kahit sa masamang paraan pa tulad ng panloloko. Nakaka-disappoint ang mga taong ganito ang tinatakbo ng isip. Hindi masama ang tumulong lalo na kung alam mong sa mabuti ito gagamitin. Katulad sa ating tindahan, tumutulong tayo sa mga panauhin na minsan hindi sapat ang budget ngunit alam nating kailangan nila. Nagkukusa tayong punan ang kulang nilang pambayad. Ngunit kung alam nating inaabuso na tayo ay hindi na natin ito dapat pang pahintulutan. Dahil may ibang panauhin na paulit-ulit itong ginagawa na tila alam niyang may sasalo ng kanyang gastusin.
Mas masarap sa pakiramdam ang tumulong kaysa ikaw ang tulungan. Tumulong tayo hanggang kaya natin. Pero lagi tayong manimbang dahil sa panahon ngayon, ginagawang negosyo na ang pagpapaawa sa tao magkaroon lamang ng kita.