Bunga ng Kultura ng Tagumpay
Sa nagdaang Barangay at Sangguniang Kabataan eleksyon, minsan naisip ko paano kaya kung ako rin ang nasa katayuan ng mga tumakbo nitong eleksyon. Paano ko nga ba makukumbinsi at makukuha ang tiwala ng aking mga kabaryo? Sa panahon ngayon ay hindi lamang pagiging magaling na lider ang panlaban, karamihan ay sumasabay na rin sa agos ng pagiging praktikal. Ngunit naisip nga ba ng karamihan ang kanilang magiging kinabukasan sa ganitong paraan ng pamamahala?
Laking pasasalamat ko na ako ngayon ay nabubuhay at ang kinakagisnang kultura ay ang ating "Kultura ng Tagumpay". Bagamat may mga ipinipilit ang kanilang iniaabot sa akin lalo na noong National Election, pilit ko itong tinatanggihan. Tanging ang suporta ko lamang ang aking pinapasigurado sa kung sino man ang maluloklok sa pwesto. Hindi naman kasi natin talaga kailangan ang pansamantalang suhol na iniaabot tuwing eleksyon, kundi ang tapat at buong puso na pamamahala ang kailangan ng ating pamayanan.
Sa ating Kultura ng Tagumpay, hindi ka magiging tunay na Panday kung hindi mo taglay ang mabuting katangian ng Panday. Mabuti na lamang at namumulat tayo sa mga mahuhusay at may malasakit na mga pinuno kung kaya ito rin ang ating nadadala saan man tayo nagtutungo at sa ating paglalakbay sa piling ni Pandayan.
Napakagaan sa pakiramdam ang mapabilang sa ganitong pamumuno. Tila nagkakaroon ka ng lakas ng loob at paninindigan sa anumang hamon na nakaantabay sa ating paglalakbay. Dahil sa aking pagkamulat sa ating kultura, natutunan ko na ang tunay na tagumpay ay hindi nasusukat sa taas ng posisyon o yaman, kundi sa kaugaliang mayroon tayo kahit anuman ang ating estado sa buhay.