Customer Service / Pasasalamat / Pagkilala
“Sir, bakit ka po naregular?” Habang nag-aayos ako sa loob ng cubicle kasama ang isa pang Kapwa Probee ay bigla na lang niyang natanong iyon. Napahinto ako bigla dahil isang seryosong tanong ito para sa akin. Sa una ay sinagot ko siyang pabiro dahil akala ko ay nagbibiro lang din siya. Natawa naman siya at inulit ang kanyang seryosong katanungan sa akin. Hanggang sa naalala ko ang ilan sa mga nakapaloob sa Kultura ng Tagumpay na aking naging gabay noong ako ay nagsisimula pa lamang.
Natawa ulit ang aking Kapwa Probee sapagkat sinabi niya na wala ni isa sa kanyang mga katangian at kakayahan na maging isang regular sa Pandayan. Napatawa ulit ako dahil sa pabiro na naman niyang sagot. Hanggang sa naramdaman ko sa kanya na seryoso ang kanyang sinasabi. Nalungkot ako bigla dahil hindi ko akalain na masasabi niya iyon gayon na nakikita ko naman sa kanya na kaya niya. Patuloy kami sa pag-aayos ng cubicle at kasabay noon ay ang pagkwento ko sa kanya ng aking mga karanasan noong ako ay probee pa.
Bilang isang Kapwa na nanggaling din sa pagiging probee, ramdam ko kung ano ang ninanais nila sa pagtatrabaho. Dati na rin akong pinanghinaan ng loob pero dahil din sa mga taong nakapaligid sa akin na buong tiwala sa aking kakayahan ay nais ko rin na makatulong sa aking kapwa manggagawa. Naniniwala ako na ang bawat payo na nanggagaling sa ating mga bibig ay may kapangyarihan para makapagpagabo at makakapagpalakas ng loob ng bawat isa.