Dahil Natuwa ang Anak
Nagkaproblema ang pang service kong motor na pamasok ng araw na iyon kung kaya nagdesisyon akong maglakad para ma-ehersisyo at para makatipid na rin. Hindi pa ako gaanong nakakalayo ay parang may tumatawag sa akin ngunit hindi ko ito pinansin at tuloy sa paglakad hanggang sa huminto ito sa harapan ko. Nagulat ako dahil isang tricycle pala at inalok ako ng sakay, "Sa Pandayan ka ‘di ba? Tara sumabay ka na. Doon din naman ang daan ko.” May sakay ito sa loob kaya bumackride ako. Habang nasa biyahe kami ay nabanggit niya na isa ang anak niya sa sumali sa ating Sining Pandayan Art Workshop at baka ako pa raw ang nagturo sa anak niya. Tinanong ko kung saang school nag-aaral ang anak niya at sinabi niyang Manggahan Elementary School at ako nga ang nag-facilitate doon. Tuwang-tuwa raw kasi ang anak niya sa paggawa ng pizza gamit ang clay. Pinagmalaki pa nga raw sa kanya ang gawa nito. Sana raw ngayong bagong pasukan ay magkaroon tayong muli ng mga ganoong activities. Nakababa na ako at kumuha na ako ng pera pambayad ng pamasahe sabay pigil niya sa akin. Huwag na raw. Dito rin naman daw ang daan ng pasahero niya tsaka maliit na bagay lang naman daw kumpara sa naging kasiyahan ng anak niya. Sobra akong naantig sa sinabi ng mabait na tricycle driver na iyon. Ngayon lang ako naka-experience na malibre sa isang pampublikong sasakyan ng dahil sa aking trabaho at uniporme. Mayroon pa rin talagang may mga mabubuting puso na nagbabahagi ng kabutihan sa kanyang kapwa. Nagpasalamat ako at pagkakamali ko lang na hindi ko man lang naitanong ang kanyang pangalan dahil agad na rin itong umalis.