Emergency CS
January 26, 2024 noong makatanggap ako ng tawag mula sa amin. Nalaman ko na pumutok na ang panubigan ng aking asawa. Saktong palabas na rin sa trabaho. Sa sobrang pagmamadali ko hindi na ako nakapagpalit ng uniform at dali-daling umuwi at nagtungo sa ospital kung saan nandoon ang aking asawa. Inabot ko pa siya bago ipasok sa delivery room ng 8:05 pm. Lumipas ang ilang oras ngunit di pa rin siya lumalabas kasama ang aming anak. Dumaan pa ang napakahabang oras. Inabot na siya ng 8:00 am lumabas at pumasok na ang ibang nanganaganak ngunit wala pa rin akong balita sa mag-ina ko. Hindi ko na alam ang aking gagawin.
Nang lumapit sa akin ang doktora para sabihing emergency CS na ang aking asawa ay mas lalo akong di mapakali. May biglang lumabas muli sa delivery room. Hindi ko kakilala at nasa edad 42 anyos na ito. Sa aking narinig kailangan na raw ito emergency CS ngunit noong nalaman ng pamilya na ganoon ang mangyayari ay nag-iyakan na ang mga kasama nito sa kadahilanan na wala silang pagkukunan ng pera at hindi nila ito napaghandaan.
Lumapit sila sa akin upang magbakasakali ngunit ang dala kong pera ay sasakto lang din para sa panganganak ng aking asawa. Kahit gustuhin ko man na pahiramin sila ay wala akong magawa kundi maawa lang. Ngunit kahit alam ko na sasakto lang din ang dala kong pera hindi ko matiis na makatulong kahit kakaunti. Di ko man mapahiram ng ganoon kalaki sinubukan ko mag-abot kahit limang daang piso. “Pandagdag man lang po sa pambili ng gamot,” wika ko. Dito ko nasabi sa sarili ko na napakahalaga ng pag-iimpok ng pera dahil wala ka basta-bastang malalapitan. Ngunit noong inaabot ko ay hindi na ito tinanggap ni Nanay at hihintayin na lang daw niya ang kamag-anak nito. Lubos na nagpasalamat sa akin. "Salamat sa kabutihan mo. Alam ko kailangan mo rin iyan," sambit ni Nanay sa akin. Sa ganitong sitwasyon mo mapapatunayan na mas mangingibabaw pa rin ang pagtulong sa kapwa kahit walang-wala ka.
Sa awa ng Diyos ay nakaraos din kami ng aking mag-ina at nakauwi nang maayos. Nagpapasalamat ako sa Pandayan dahil dito ay tinuturuan kami sa mabubuting gawa, pagiging masinop, at pag-impok ng pera na para naman sa aming pamilya.