Hindi na Kailangan
May isang matanda ang lumapit sa akin at nakiusap na baka pwedeng magpatulong sa kanyang bibilhin dahil nautusan lang daw siya ng kanyang apo. Iniabot niya sa akin ang dalang listahan. Nang makumpleto ay nagpasalamat si Nanay sa akin sabay ngiti at labas ng tindahan. Ilang oras lang ay bumalik muli si Nanay dahil nagpahabol daw ang kanyang apo ng glue gun. Makalipas ang dalawang araw ay bumalik muli si Nanay. Malayo pa lang ay natanaw ko na siya at tila lilingap-lingap sa buong tindahan kaya nilapitan ko na ito. "Buti at nandiyan ka. Ikaw talaga ang hinahanap ko para magpatulong. Hindi ko na naman kasi alam ang pinabibili sa akin ng aking apo," wika niya. “Ako na pong bahala, Nay,” sagot ko naman sa kanya. Nang makapagbayad siya sa counter ay lumapit muli siya sa akin habang ako ay nag-aayos sa selling area. Nagpasalamat si Nanay at nag-aabot ng pera. Pang merienda ko lang daw ngunit agad ko itong tinanggihan at sinabi kong, “Hindi na po kailangan ng ganyan, Nay. Tungkulin po namin na paglingkuran at tulungan ang mga Panauhin po namin na katulad ninyo.” Nagpasalamat muli si Nanay at masayang nakalabas ng tindahan.