Isang Adventure
Noong ako’y bata pa lamang (elementary days) ay may isang bagay na akong pinangarap. Kasama sa listahan ng aking pangarap ay ang makapunta sa iba’t ibang lugar at kabilang na dito ang pag-apak sa Maynila. Hindi iyon nawala sa aking isipan hanggang sa nakapagtapos ako ng High School. Pansamantala akong huminto ng tatlong taon sa pag-aaral sa kadahilanang kakulangan sa pinansyal at ilan din sa aking mga kapatid ang nag-aaral sa high school at kolehiyo. Sa tatlong taon na iyon ay hindi ako nagpabuhay sa bahay kundi, araw-araw din akong namamalagi sa bayan sa kadahilanang pagta-trabaho ko sa isang RTW. Sinabi ko sa sarili ko na hindi dapat ako tatanda sa ganitong buhay lamang. Kaya naman noong nakapagtapos ng pag-aaral ang aking mga ate at kuya ay dito na rin ako nagkaroon ng pagkakataon na ipagpatuloy ang aking pag-aaral.
Sa pagtungtong ko ng kolehiyo, kasama ang aking bunsong kapatid ay dito na rin kami nag-umpisang matutong lumayo at maging independent. Ang aming bayan at ang aming paaralan ay aabutin pa ng halos isang oras ang biyahe at ilang bayan pa ang madadaanan bago ka makarating sa paaralan o boarding house. Nagpatuloy ang apat na taon at kami’y nakapagtapos ng aking kapatid sa kolehiyo. Hanggang sa lumipas ang dalawang araw kung saan minabuti ko ang paghahanap ng trabaho. Tama namang nagtungo ako ng PESO Office at saktong naroon ang Pandayan Bookshop para sa job hiring. Sinubukan ko rito mag-apply hanggang sa natanggap ako at ma-regular sa tindahan.
Hindi ko inaasahan na ito na pala ang magiging daan upang matupad ko ang aking pangarap, ang makarating sa iba’t ibang bahagi ng Luzon. Habang nadagdagan ang bilang ng taon ko dito sa aking trabaho ay siya ring padami ng padami ang bilang ng aking napupuntahan. Sabi ko sa sarili ko, ito na nga iyon, natutupad na dati rati’y ang Maynila na aking pinapangarap ay mas higit pa pala ang aking mararansan. Hanggang ngayon sumasagi pa rin sa aking isipan na “Hangga’t naririto pa rin ako sa Pandayan Bookshop ay magpapatuloy pa rin ang aking pangarap na makarating pa rin sa ibang lugar.” Ito na ang koleksyon ko sa aking buhay: ang magbilang ng mga lugar na aking napupuntahan sa tulong ng Pandayan Bookshop. Masaya ako na palipat-lipat dahil na rin sa mga bagong kong natutunan, nakikita, nakakasama, panibagong direksyon na mga daan at kung ano pa. Eka nga nila na para lamang daw akong nag-aadventure. Kaya naman nagpapasalamat ako sa ating mga Boss dahil natupad ang aking ninanais sa aking buhay.