Isang Masaya at Masiglang Storytelling
Ako ang naanyayahan ng Pandayan Paniqui na manguna bilang Storyteller sa ginanap nilang book fair sa St. Vincent School. Noong una ay kinakabahan ako dahil ito ang una kong pagkakataon na magkukwento at ma-apply ang mga naituro sa amin noon ni Teacher Dyali na siyang nagturo sa amin kung papaano ba magkaroon ng masaya at masiglang storytelling.
Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman. Nandoon ang excitement at kaba. Bago pa ang araw ng book fair ay talaga namang nag-ensayo ako nang mabuti ng aking ikukwento sa mga bata. Nagbalik-aral din ako sa mga naituro sa amin ni Teacher Dyali. Pinanood ko ulit ang mga recorded video noong seminar na malaking tulong sa akin dahil na recall ko lahat ang aming mga pinag-aralan.
Kinabisado ko ang daloy ng kwento at nag-ensayo rin ng mga kanta na aking kakantahin bago mag-umpisa ang aming kwentuhan. Sa aking pag-uumpisa ay kumanta ako ng maikling awitin na, “Oras na ng Kwentuhan” at “Ako ang Kaibigang Libro” na naituro sa amin ni Teacher Dyali. Sa aking pagkanta nito ay mas nakuha ko ang attention ng mga bata dahilan upang mas pakinggan nila ako.
Naalala ko na dapat sa pag-uumpisa ng storytelling ay dapat makukuha na natin ang atensyon ng mga bata at kapag nakuha na natin iyon naman na ang hudyat upang umpisahan ang kwento.
Lahat sila ay nakikinig, maging ang mga magulang at guro na naroon. Nawala ang aking kaba. Maikli lang ang kwento na napili ng kanilang Principal kaya naman madali lang din natapos ang aking pagkukwento ngunit kahit ganoon ay makikita sa mga bata, guro at magulang ang kasiyahan sa pakikinig. Isa na namang hindi malilimutan na experience ito at ang dating kaba na aking nararamdaman ay napalitan ng excitement. Excitement na makapagkwento ulit at paniguradong mauulit ito dahil mayroon din kaming school na nakausap na gusto ring magpa-book fair.