Kahalagahan ng Pag-iipon
Habang isinasagawa ang Annual Inventory, hindi maiiwasang dumami pa rin ang Panauhin sa loob ng tindahan kaya naman ako ang buma-back up sa aming Kapwa CSS sa pagkakaha kapag mahaba na ang pila sa kaniyang lane. Habang nagkakaha ako, pumukaw ng aking atensyon ang sa palagay ko ay magkapatid na batang bumibili ng ating Ipon Challenge na alkansya. Sila ay nahihiya dahil kulang ng anim na piso ang kanilang pambayad. Agad kong itinugon na "Okay na iyon mga kuya. Ako na ang bahala sa kulang." Kita sa kanilang mga labi ang ngiti ng kasiyahan nang matupad nila ang mithiing makabili ng lagayan ng kanilang ipon.
Naging isang paalala ito sa akin na kung sa mga gaya nila na musmos pa lamang at wala pang sariling kinikita ay walang hadlang upang makapag-ipon, ano pa sa mga kagaya ko o kagaya natin na may mas malaking inoobligahan sa buhay at may inaasahang kita kada buwan. Mahalaga ang mag-ipon dahil hindi mo alam ang mga bagay na maaaring biglaang mangyari. May mga biglaang gastos na hindi natin inaasahan at mahirap na hindi tayo handa sa mga bagay na iyon. Nagsilbing aral at paalala sa akin ang natunghayan ko sa mga panauhing iyon at mas nakita ang kahalagahan ng pag-iipon.