Kamulatan sa Kabataan
Habang pinapanood ko at pinakikinggan ang learning session ni Boss JVC patungkol sa Tinig ng Makataong Pamamahala ay napapaisip ako kung ano ba talaga ang nagiging epekto sa aking buhay ng masamang pamamahala sa ating gobyerno.
Marahil ay hindi ko ito dati masyadong napapansin dahil sa mula noong ako ay pinanganak ay parang naging normal na lang sa akin ang aking kapaligiran. Numero uno na nga dito ay ang kahabag-habag na lagay ng ating mga kalsada.
Dahil sa mula pagkabata ko ay ganito na ang aking nasasaksihan ay parang tanggap ko na talagang ganito lang ang maaaring ibigay sa ating mga Pilipino ng ating mga leader na nanunungkulan sa ating bansa.
Ngunit habang binabanggit ni Boss JVC ang mga halaga ng pera na naibubulsa ng mga ganitong klase ng leader ay parang namumulat ang aking mga mata sa mga bagay na dapat ay natatamasa ng bawat mamayan gaya ng magandang paaralan, magandang kalsada, magaan na pamumuhay sa pamamagitan ng mga trabaho sana na maaaring maibigay ng mga budget na hindi nating alam kung saan napupunta.
Nakapanlulumo kung iisipin mo na sa maikling panahon lamang ng panunungkulan ng ilang mga leader ng bansa ay napakalaki ng mga naidadagdag sa kanilang mga yaman habang ang mamayang Pilipino ay nagtitiyaga na mairaos ang kanilang pang araw-araw na makakain lamang.
Ako bilang isang tagapagpatupad ay makakatulong sa ating bansa sa pamamagitan ng pagbabahagi nito sa ating mga Kapwa lalo na sa mga bagong Kapwa probee na papasok pa lamang sa Pandayan Bookshop. Sa pamamagitan nito ay maikakalat natin ang kamulatan sa mga kabataan kahit sa simpleng bagay lamang.