Katuwang sa Pagtupad ng Pangarap
Isa ako sa mga hindi pinalad na makapagtapos ng aking pag-aaral dahil sa kahirapan ng buhay, kaya naman ay hirap sa paghahanap ng trabaho. Kaya noong makapasok ako sa Pandayan ay naramdaman ko agad ang pagiging parte ng pamilya. Ibang-iba sa aking mga unang napasukan. Unang araw ko pa lang kasi ay talagang malugod na ang pagtanggap ng mga kapwa sa akin. Dito ay nagbago ang aking pagkatao at nahubog bilang isang mabuting kapwa na pinapahalagahan ang pagpapakatao, pagkamakatao, at pakikipagkapwa-tao.
Hanggang sa ma-regular ay ginabayan ako ng aking mga kasama. Sa limang taon na aking naging paglalakbay ay marami akong natutunan sa bawat kapwa na aking nakakasama at sa mga Panauhin na aking nakasalamuha. Maraming kaalaman na din sa iba at ibang larangan ang aking natutunan dahil sa mga seminar ng mga suppliers at pagbabahagi ng mga ibang kapwa sa kanilang talento at kaalaman. Ngunit ang isa sa aking ipinagpapasalamat ang pagkatuto ko sa paghawak ng pera at pagpapaalala ng ating mga boss sa pagkakaroon ng ipon.
At dahil na rin sa ating mahal na kompanya ay akin nang unti-unting natutupad ang ilan sa aking mga pangarap. Nakapagpatayo ng sariling bahay at nakakapagsimula ng mga munting negosyo. Talaga namang ramdam ko ang pagmamahal ng kompanya hindi lang sa akin bilang empleyado kundi pati na rin sa aking sariling pamilya.