Kulang ang Pera
Habang nasa selling area ako ay biglang nag-bell si Kapwa Probee Gerald at agad ko namang tinanong kung bakit ang sabi niya pa-hold po muna ng transaction dahil kulang daw po ang pera ng bata. Tinanong ko kung magkano ang kulang at tugon naman niya ay dalawang piso. Tinanong ko kung nasaan ang bata ngunit bigla raw itong tumakbo sa selling area. Sabi ko na dapat tinawag mo na lang ako para ako na lang ang nag-abono dahil dalawang piso lang naman. Maya-maya ay bumalik na ang bata at may dalang dalawang piso. Tinanong ko ang bata kung may kasama ba siya at kung kanino siya nanghingi ng pera. Ang tugon niya ay binigyan siya ng Panauhin. Tinanong ko kung kakilala niya ba ngunit sinabi niyang hindi.
Ni-retrieve ko na ang transaction at tinapos ang transaction ng bata. Nakita ko na libro ang kanyang binili kaya inisip ko na baka kailangan niya talaga iyon. Sinabihan ko na lang si Kapwa Gerald na kapag may mga Panauhin tayong kinukulang ay huwag siyang mahiyang lumapit sa amin lalo na kapag mga estudyante. Simula noon ay lagi na niya akong tinatawag kapag may mga nakikiusap na Panauhin na baka pwede nilang ibalik iyong kulang nila. Naalala ko pa noong gabi ring iyon ay nasundan pa iyon ng isang matanda na bumili ng Canon Ink Cartridge Black at Colored. Siya na ang aming huling Panauhin dahil sarado na ang tindahan. Nakiusap siya na baka pwede niyang ibalik yung limang pisong kulang niya. Sabi ko naman ay abonohan ko na lang pero pinipilit pa rin niyang ihahatid niya. Kakatok na lang daw siya sa Gate. Sabi ko naman ay kahit hindi na ay okay lang. Nagpasalamat naman ang Panauhin pero maya-maya ay nagulat na lang ako dahil bumalik talaga ang Panauhin at ibinalik ang kanyang kulang.