Kuwento ng Gurong Aeta
Habang bumabiyahe papuntang paaralan ng Pisapungan, katabi ko sa kartilya na hila ng 4x4 si Sir Bernard, isang guro sa paaralan ng Pisapungan. Limang taon na raw siyang nagtuturo sa nasabing paaralan. Marami-rami rin kaming napagkuwentuhan at isa na rito ang kanyang pagtuturo sa paaralan. Nabanggit ko kasi na hindi biro ang layo at ang tagal ng biyahe makapunta lang sa Sitio Pisapungan. Hindi rin basta-basta ang peligrong nakaabang sa kanila sa tuwing bumubuhos ang ulan at ang kondisyon ng daan patungo sa lugar. Wala silang hazard pay kahit na sobrang delikado ang lugar at sariling gastos ang kanilang transportation papunta doon. Madalas masira ang motor ni Sir Bernard dahil sa sitwasyon ng daan at ang pagtawid sa bawat ilog ang pinakadelikado sa lahat.
Natanong ko kung ito ba talaga ang pangarap niyang propesyon ang pagiging guro. Ito ang banggit niya sa akin, “Sir, ang pangarap ko talaga ay maging sundalo o pulis. Pero sabi sa akin ng Papa ko mag-teacher ako.” Tinanong ko kung bakit iyon ang gusto ng kanyang Papa. Sagot niya sa akin, “Aeta po ang aking Papa, sir. Gusto niyang maturuan ko yung mga batang Aeta sa aming Sitio.” Hindi agad ako nakapagsalita. Parang gusto kong yakapin si sir Bernard sa pagkakataong iyon.
Doon ko lang nalaman na purong Aeta ang kanyang ama at pangarap na makapagtapos lahat ng mga batang Aeta doon kagaya ng kanyang anak. Bilang pangarap ng Papa niya sa kanya tinupad niya ito. Nalungkot ako nang sinabi niyang, “Sayang lang, sir, hindi na nakikita ni Papa na nagtuturo na ako sa lugar kung saan siya isinilang at lumaki.” Nakaka-proud si Sir Bernard dahil para sa akin isa siyang bayani ng kanilang tribo at masasabi kong natupad niya ang pangarap ng kanyang ama.
Masasabi ko na ang mga kagaya ni Sir Bernard at ni Sir Alvin ang mga kahanga-hangang guro na malaki ang pangarap para sa mga bata. Hindi alintana ang sitwasyon at sakripisyo magawa lang ang kanilang bokasyon at matupad ang pangarap ng mga bata - ang makapag-aral at makapagtapos ng pag-aaral.
Isa pa sa nabanggit niya sa amin ang mapalad daw sila at nakapunta tayo sa kanilang lugar. Matagal na raw silang nanliligaw kay Maam Tin para hingi ng gamit pampaaralan. Awa daw ng Diyos ay natupad na ito. Wala raw silang ibang hihingin para sa kanilang paaralan dahil para sa mga estudyante ang kanilang nais na magkaroon. Sila kasi ang nagpo-provide ng ilang gamit para lang makapag-aral ang kanilang mga estudyante.
Kung may pagkakataon, kahit na sa sarili kong pera ay sana ay makabalik ako sa paaralan ng Pisapungan para makapaghatid din ng paaralan kung sakali mang maubos na ang ating mga ibinigay na school kits. Kung may babalikan din tayong paaralan sana ay isa sila sa ating mabalikan.