Lakbay Panday
Kay bilis ng panahon, parang kahapon lamang nang ako ay nag-apply sa Pandayan Bookshop na noon ay nasa Plastic City. Nagbabakasakali na matanggap sa trabaho upang makatuwang sa pamilya ko. Katatapos ko lang sa Puregold Malanday bilang kahera.
Labing tatlong taon na pala ang nakakalipas. Ngayon ang aking ika-labing tatlong taon sa Pandayan Bookshop. Ang sarap magbalik tanaw sa aking pagsisimula, sa mga taong nagtiwala, tumulong, nagturo, naggabay at nagbigay ng ikalawang pamilya. Sa mga Boss na ramdam ang pagmamahal sa bawat empleyado.
Ako bilang isang Kapwa Panday ay palaging nagpapasalamat. Bilang isang ordinaryong tao masasabi kong isang makabuluhan ang aking paglalakbay sa Pandayan. Ang simpleng pangarap na noon 2010 na aking sinulat sa pagpasok ko sa Pandayan Bookshop ngayon ay unti-unti kong nakikita.
Pangarap ng kompanya na masasabi ko isa ako sa patunay na natutupad. Ngayon na malapit na matapos ang aming tahanan mag-asawa mas lalo akong na-i-inspire na magsumikap pa dahil nakikita namin mag-asawa ang aming pinaghirapan. Opo, labing tatlong taon bago kami magkakaroon ng bahay.
Isa sa naging priority ko na matulungan ang aking pamilya sa Valenzuela. Mula sa Sarilikha nag-loan ako upang sumubok na bigyan sila ng puhunan sa kanilang magiging kabuhayan. Ngayon ay may tatlong taon na silang may sariling maliit na patahian. Kumikita na at nakabili na rin ng second hand na sasakyan.
Matapos kong makita na naging matatag na ang aking pamilya sa Manila, sinimulan ko na rin ang aming tahanan. Muli akong umutang sa Sarilikha. Malaking tulong ang aking mga biyenan sa pagtatayo ng aming tahanan. Kagaya ko, gusto ko rin ma-inspire ang mga Kapwa Panday na walang imposible.
Ang pangarap ay di agad natutupad ngunit ang paghihintay habang gumagawa at nagdadasal tiyak worth it ang paghihintay. Ang tamang pag-iimpok at ang simpleng pamumuhay ay malaking tulong pandagdag sa aming pagsisimula sa aming bahay. Masarap umuwi mula sa trabaho sa sariling tahanan, na malapit na rin namin matupad. December ngayon taon ang target naming mag-asawa na makalipat sa aming bahay.