Limang Taon sa Pandayan
Sa ika-limang taon ko sa Pandayan, ito pala talaga ang taon na marami tayong magiging reyalisasyon. Sa aking pagbabalik tanaw, nandiyan ang aking naaalaala ang aking mga naging kasama noong ako ay nagsisimula pa lamang sa Pandayan; ang mga kapwa probee na naging kasama sa paglipas ng mga buwan at kalaunan ay naging mga kaibigan, mga unang nakasamang regular na silang unang humubog sa aking pagkatao at unang nagsanay sa akin upang maging ganap na kapwa Panday, mga GE na naging instrumento upang mas mapalawak pa ang ating natatagong kakayahan, kumpiyansa sa sarili at naging gabay sa ating pang-araw-araw na gawain.
Noong wala pa ako sa Pandayan ay maihahalintulad ko ang aking sarili sa nakagusot na papel. Tatlong buwan akong naghahanap ng trabaho noon dahil sa biglaang pagsasara ng kompanyang aking pinapasukan, waring hindi alam kung saan ako magsisimula at tutungo, subalit nagbukas sa akin ang Pandayan at muli ay nagkaroon ako ng direksyon. Ang papel na tila gusot ay unti-unting umuunat at nagiging patag. Nawala ang aking mga alalahanin dahil sa mga nakalipas na pangyayari. Sa ngayon, sa limang taon ko sa serbisyo sa Pandayan ay laking pasasalamat ko dahil unang-una ay naibibigay ko ang pangangailangan ng aking pamilya, nabibili ko ang mga gusto ko, at higit sa lahat ay nakapag-iipon ako para sa aking sarili.