Maasikaso Na, Mabait Pa!
Habang nag-aayos ako ng mga notebook ay may nakita akong isang cellphone na nakapatong dito. Medyo may karamihan na rin ang tao kaya pinagmasdan ko kung may kukuha nito sa mga panauhin na namimili ng mga notebook. Walang nakapansin nito kaya agad kong kinuha at binigay sa aming SE dahil siya ang pumalit sa aming SG na naka break. Patuloy pa rin ako sa pag-iikot sa tindahan habang nagre-refill ng mga item at nag-aayos ng mga magugulong display. Mga ilang minuto ay tinanong ko kay Sir Ian kung may kumuha na ng cellphone. Ayon sa kanya ay meron na raw at na-describe naman ang cellphone at nabuksan ang passcode nito. Kaya bumalik ulit ako sa pag-aayos sa selling area. Sa pag-aayos ko ay may nadinig akong mag-inang panauhin na nag-uusap tungkol sa cellphone. Habang pinagsasabihan ng ina ang kanyang anak ay nadinig ko rin ang sinabi nito. “Pasalamat ka ang nakapulot daw ng cellphone mo ay dito nagtatrabaho sa Pandayan. Kung ibang tao ang nakakita niyan baka wala ka ng cellphone.” Dagdag pa ng ina, “Buti dito rin tayo namili. Kung sa iba at doon mo naiwan malamang wala na rin ‘yan.” Pahabol pa nito ay “Iba ang mga empleyado dito. Maasikaso na, mababait pa.” Ito ay mga simpleng salita lamang na aking nadinig ngunit para sa akin ay magandang feedback ito para sa ating mga Kapwa Panday upang ipagpatuloy natin ang pag-asikaso sa mga panauhin at ang paggawa ng tama.