Mabubuting Tao
Nakakatuwang isipin na napunta ako sa kompanyang may mabubuting empleyado. Nitong mga nakaraang araw may isang batang namamalimos sa labas ng tindahan. Naagaw niya ang aming pansin dahil hindi naman siya madalas nakikita. Nang mapansin siya ng aming detective inabutan niya ito ng tinapay. Kaagad na umalis ang bata at nagpasalamat. Maya-maya ay muling bumalik ang bata at di na namin nakita ang ibinigay na tinapay ng aming detective. Kinubukasan ang aming SE naman ang nakapansin sa bata at agad nya itong pinapasok sa tindahan upang kausapin at tanungin. Noong una ay ayaw pa nitong pumasok marahil ay nahihiya. Siya ay walaong taon na gulang na batang lalaki, Grade 3 na at bunso sa magkakapatid. Namamalimos daw siya para may maitulong sa kanyang mga magulang. Noong aming tanungin kung saan niya dinala ang tinapay na inabot sa kanya ang sagot niya ay "Inuwi ko po sa bahay namin." Nakakatuwa na sa murang edad niya ay hindi niya inisip na kainin mag-isa ang tinapay na ibinigay sa kanya bagkus ay inuwi niya ito para maibahagi sa kanyang pamilya. Inabutan siya ng maliit na halaga ng aming SE at kitang-kita sa mukha ng bata ang pasasalamat. Ibibili niya raw ito ng bigas. Nakakatuwang sa kanyang murang edad ay gumagawa siya ng paraan upang makatulong sa kanyang pamilya. Sobrang nakakagalak din na ang mga Kapwa ng Pandayan ay handang tumulong kahit sa simpleng bagay. Napakasarap sa pakiramdam na mabubuting tao ang nasa paligid ko at kasama sa trabaho.