Mabuting Kapwa
Sa bawat araw, bawat oras may iba at ibang bagay na pwede pang matutunan di lang sa sarili ganoon din sa ibang tao. Habang tumatagal ako sa trabaho kong ito lalo kong minamahal ang mga bagay na meron at kasama ko dito. May mga araw na mahina. May araw na may mga sakit pero nandoon pa rin sa bawat isa ang pagkakaintindihan at kahandaan na magsakripisyo para sa kasama. Ganoon naman talaga kasi kasama mo iyan. Kasama mo sa lahat ng oras araw at sa pagkakataong masaya at malungkot.
Si Maam Jaqui ang isa sa patunay ng isang mabuti at mapagbigay na Kapwa, lalong-lalo na sa mga kapos sa buhay at may mga karamdaman. Isa ako sa saksi kung paano niya ginawan ng paraan ang isang matandang lalaki o mas kilala sa tawag na Tatay Domeng. Si Tatay Domeng ay isang matandang may problema sa paglalakad at ang pag-iipon ng karton ang tangi niyang pinagkakakitaan pero sa baba ng bentahan ng karton ay nahinto ito sa pagkakalakal ng karton.
Isang araw pumunta ito sa tindahan at hinanap niya si Maam Jaqui. Siya pala ay pinaalis sa kanyang tinitirahan at dito ko na saksihan ang kabutihan ng puso ni Maam Jaqui. Agad-agad niyamg hinanapan ng matutuluyan si Tatay Domeng. Nang makakita siya ng matutuluyan o mauupahang kwarto ay dali-dali niyang inayos ang matanda at inasikaso ito hangang maging maayos ang tutuluyan ng matanda. Siniguro muna ni Maam Jaqui na maayos ang lahat bago niya iwan ito. Isang aral ito na natutunan ko at pwede kong ikwento kahit kanino, na may isang tao sa loob ng Pandayan San Jose ang may ganito kabuting puso para sa kapwa nating Pilipino. Maging mapagbigay at maging mabuting tao sa lahat ng pagkakataon at sa lahat pa ng dadating, masaya man o malungkot. Habang may buhay may pag-asa sabi nga nila at higit sa lahat maging mabuti tayo para sa kapwa natin.