Masaya Ako sa Pandayan
June 29,2023 ay aming kopon meeting. Pinanood namin ang naging interview ni Boss Jun sa Antipolo Star. Labis akong namangha at napakapalad ko na napunta ako dito sa Pandayan. Noong una ay ‘di ko inaasahan na ako ay magiging regular dito. Ok na sa akin noon ang makapagtrabaho pero noong unti-unti kong nakikilala kung paano nila tratuhin ang mga Kapwa at papaano sila mamuno ay sinabi ko sa sarili ko na gusto ko dito. Kaya naman pinag-igihan ko at ginawa ko ang lahat ng aking makakaya upang manatili sa Pandayan.
Ngayon, ako ay regular na. Marami akong pagsubok na napagdaanan bago ako maging regular. Ilan sa mga kakilala ko, maging ang aking mga magulang ay hindi sang-ayon noong una na ito ang aking piliin dahil gusto nila na ako ay magturo o di kaya’y maging isang pulis dahil sayang daw ang tinapos ko. Pinag-isipan ko ito nang mabuti at ‘di nabago ang aking desisyon. Alam kong balang araw ay maiintindihan din nila ang aking desisyon.
Noong nakilala ko sila Boss ay naliwanagan ako na tama ang pinili ko at tama ang desisyon ko. Dito sa Pandayan ako ay masaya. Sa Pandayan marami akong natutunan. Sa Pandayan kasama ko ang aking pamilya at mayroon akong oras sa kanila. Mayroon akong katuwang sa pag-abot ng aking mga pangarap. At higit sa lahat sa Pandayan ituturing kang pamilya. Totoong masaya magtrabaho sa Pandayan! At hindi ko pinagsisihan na Pandayan ang pinili ko.
Ngayon na ako ay regular na, ibabalik ko sa mga kapwa ko probee ang kabutihang ipinamalas sa akin ng Pandayan noong ako ay nagsisimula pa lamang. Ngayon ay paunti-unti ko nababahagi sa kanila ang aking mga natututunan. At ipinapangako ko na hangga’t maaari ay hindi ko sasaktan ang kanilang kalooban. Dahil naranasan ko ng masigawan, mamura at maliitin ng mga nakakataas sa akin noong ako ay nagtatrabaho pa sa ibang kompanya. Ayokong maranasan nila ang aking mga naranasan sa mga kompanyang aking napasukan noong wala pa ako sa Pandayan.
Kaya naman natutuwa ako sa mga kapwa probee sapagkat di sila nahihiya sa akin kapag may mga hinaing sila at gustong sabihin na di nila masabi sa ibang regular dahil nahihiya sila. Para nila akong nakatatandang kapatid. Hindi nila maramdaman na pinapagalitan ko na sila sapagkat mahinahon ko silang sinasabihan kapag sila ay nagkamali at minsan naman ay pabiro . Nag-iingat ako sa bawat salitang aking binibitawan dahil ayaw kong makasakit ng damdamin ng iba. Kapag hindi ko na kayang i-handle ang kapwa ay humihingi naman po ako ng gabay ng aming pinuno kung ano ang mainam na gawin. Lagi kong isinasapuso at isinasabuhay ang pagpapakatao, pakikipagkapwa-tao at pagkamakatao ng Panday.