Naglabasan ang mga Bampira
Ang buwan ng Pebrero ay masasabi kong panahon kung saan lumalabas ang mga bampira. Nakikisabay sila sa trend ng paninda, madali mabenta dahil panahon. Hindi inaasahan na nalusutan kami ng isang babae na professional shoplifter. Sinamantala nito na iilan lamang ang Kapwa dahil sa opening ng store ito pumunta at madalang pa ang Panauhin. Nalaman na lamang namin na nawalan noong mapansin ng aming store detective na tila nabakante ang mga kahon ng Cadbury. Sa aming pag-review ng CCTV nakita namin ang nag-iisang babae na siyang mabilis at walang alinlangan na nagsilid sa kaniyang shoulder bag ng Cadbury. Pinanagutan po namin ang halaga ng panindang nawala. Bilang seguridad at upang maging alisto ang lahat ng Kapwa ay nagprint ako ng larawan ng shoplifter at inilagay sa package counter at lamanloob upang makilala ng mga Kapwa kung sakaling bumalik ito.
Dalawang linggo ang nakalipas at ganap na ika-10 ng umaga, parehong oras noong una itong mag-shoplift. Dahil may larawan nakapaskil sa tindahan ay alisto ang lahat. Naging alerto ang lahat at minatiyagan ang kilos ng babae. Amin itong nadakip at dinala sa barangay at ipina-blotter. Matapos ay dinala namin sa police station at pinabayad din namin ang halaga ng paninda na kinuha niya noong una. Umabot ng 7,260 ang halagang binayaran nila.
Matapos nga ang insidenteng ito, makalipas lang ang isang linggo ay sinubok muli kami ng anim na bampira. Ang pakay nila ay mga chocolate rin. Makikita sa CCTV footage ang kanilang mga galaw at taktika kung saan may mga kasama na bibili at magpapa-assist sa counter upang mawalan ng tao sa selling area. May bampira na gagawa ng ingay upang kumuha ng atensyon at makalipas ang ilang minuto papasok ang dalawang tao na may dalang supot na paglalagyan at isang bampira na muling mamimili sa counter. Nabulabog sila noong ikutan sila ng aming detective at isa-isa silang nagsilabasan. Kaagad ito nai-share sa kalapit na sangay sa Rizal, ang mga naturang bampira ay nakuhanan rin ng CCTV footage sa Pandayan Pantok. Dahil dito ay gumawa ako ng viber group ng mga sangay sa Rizal upang mapabilis ang aming sharing sa mga ganitong insidente.