Ngiti at Pasasalamat ng Panauhin
Isang tanghali, habang naka-break po ang ating Kapwa Probee ay ako po muna ang nag-relieve sa kanya sa pagkakaha. Sa ganoong oras po ay wala pong gaanong Panauhin kung kaya at napagpasyahan ko po na magdagdag ng ating mga display na items na kaunti na po ang bilang sa ating display. Habang ako po ay nagrerefill ng ating mga display ay may lumapit po sa aking Panauhin upang magbayad ng kanyang napiling bilhin. Noong matapos ko po itong i-punch sa ating POS ay tinanong po kaagad ako ng ating Panauhin kung magkano po ang inabot na halaga nito. Noong mabanggit ko po ang halaga ng kanyang bibilhin ay kinuha po niya ang kanyang perang naka-plastic sa kanyang bag at nagsabing, “Saglit lang anak, bibilangin ko lang yung pera ko kung kakasya at may matitira sa akin pamasahe pauwi.” Sa ganitong pagkakataon po ay mabilis po akong makaramdam ng pagkaawa dahil ang unang pumapasok po sa aking isip ay aking pamilya at aking mga magulang. Lalo at ramdam ko po na mabait ang Panauhin kahit na ganito po ang kanyang kalagayan. Habang iniisa-isa pong bilangin ng ating Panauhin ang kanyang pera ay napagpasyahan ko po na ibalik ito sa kanya at sabihan na itabi na lang po niya ito ako na po ang bahalang magbayad ng kanyang bibilhin. Nakakagalak dahil kahit na maliit na halaga lang po ito ay sinuklian po ako ng ngiti at pasasalamat ng Panauhin hanggang makalabas po ito ng ating tindahan.