Pagdadasal Bago Umuwi
Sa tuwing kami ay lalabas na ng aming tindahan, pagkatapos ng aming trabaho sa buong maghapon ay nakaugalian na rin namin lahat ang magdasal muna bago kami maghiwa-hiwalay at umuwi ng bahay. Sa tuwing mayroon may day-off kinabukasan ay siya ang nagle-lead ng dasal. Ngayon gabi ay nagkataon na nakasabay namin lumabas ang mga Panauhin sa kabilang salon na katabi namin, isang lola kasama ang kaniyang anak. Dahil may edad hinihintay nilang magbukas ang elevator dahil nakapatay na ito. Sa kanilang paghihintay, kami naman ng aking mga kasamahan sa harap ng pintuan ay taimtim na nagdarasal ng pasasalamat sa maghapon pag-gabay at sa magandang daloy ng Panauhin sa aming tindahan. Noong kami ay matapos magdasal ay nataon na nagbukas na rin ang elevator kaya nakisabay na rin kami sa kanila. Sa pagbaba namin ay nagtanong si Lola kung ano ang relihiyon namin lahat at sumagot kami na iba-iba po ang relihiyon namin. Sumagot si Lola na, “Ganoon ba? Mabuti ang inyong training sa inyong kompanya.” Namangha siya dahil ang mga empleyado lang daw ng Pandayan ang nakakitaan niya na nagdadasal pa bago umuwi. Ang simpleng pagdarasal na nakita ng mga Panauhin ay naging simbolo sa kanila na may mabuting kalooban ang empleyado ng Pandayan.