Pagtitipid o Tamang Gawain?
Isa sa hamon sa atin ngayong pagpasok ng bagong taon ay kung paano natin mababalik sa dating sigla ng ating benta. Habang nagmumuni-muni tayo kung paano mapapalakas ang ating benta ay gumagawa din tayo ng hakbang kung paano mababawasan ang ating gastos (manpower, kuryent etc.). Madalas ding ipinapaalala sa atin ng ating mga pinuno na dapat pairalin natin ang tamang pagtitipid ngunit para sa akin hindi ito pagtitipid dahil kung itinuturing natin na sa atin ang kompanya, ito ang tamang gawain. Bilang isang Panday ay dapat lagi nating tandaan na dapat buhay sa puso, isip at gawa natin ang sense of ownership.
Kung bawat isang Kapwa (Regular, Probee, Guard) ay ituturing na bahay o kanya ang Pandayan na siya ang gagastos sa mga bayarin ay ito ang mga posibilidad na mangyayari na magiging malaking tulong sa ating kompanya.
-Walang electric fan at mga ilaw na hindi mapapatay kapag hindi ginagamit.
-Walang kailangan mag-jacket dahil sobrang lamig na ng binubuga ng aircon o Panauhin na papasok sa ating sangay na nilalamig agad.
-Gagawan mo agad ng aksyon kapag mayroong pangyayari na sa tingin mo ay madadagdagan ang iyong bills katulad na lang kapag may tumatagas na tubo o gripo.
-Kapag may ipapagawa ka ay titiyakin mo na sa paglipas ng panahon ay mas mababa ang makokonsumo mo katulad na lang ng hindi mo pag-iisahin ng switch ang dalawang ilaw na alam mong posibleng hindi sabay gamitin.
Sa hamon na ibinibigay sa atin ngayon ang nakikita kong magiging magandang epekto nito sa mga susunod na araw o buwan ay makakasanayan natin ang mga bagay na dapat noon pa natin ginawa. Kapag dumating ang araw na bumalik na yung sigla ng ating benta ay huwag nating kalimutan ang mga tamang gawain na ipinaalala sa atin ng hamon na ito para mas makatulong sa Pandayan at sa ating mga sarili.