Project na Mask Whole White
Noong sumunod na araw nagkabilihan ang mask whole white dahil sa naging project ito sa Nabua High School. May unang grupo ng mga estudyanteng lalaki ang tumingin nito, ngunit hindi nila binili at sinabing babalikan na lamang. Subalit kita mo sa mukha nila nanghihinayang at binibilang ang perang pambili. Nauna sila baka raw kasi maubos ito at wala na silang mabilhan. Maya-maya bumalik ang isang estudyante at kinuha ang mask at lumapit sa akin. Ang sabi niya, “Kuya pwede po bang tawad na lang sampo? 30 na lang po kasi ang pera ko. Hindi po ito aabot pambili.” Sabay ipinakita ang dala-dala niyang pitaka at pera. Kaya sabi ko kaagad sa CSS, “Sige na, i-short mo na lang. Ako na lang ang magbabayad ng kulang.” Natuwa naman ang estudyante at sabay na bumalik sa akin at nagpasalamat.
Maya-maya may bumalik ulit na tatlong estudyante na kasamahan niya at sinabi sa akin na kung maari din daw silang tumawad dahil kulang ang pera. Sabi ko naman, “Sigurado kayong wala kayong pera ah o baka naman sinabihan lang kayo ng kasama niyo kanina?” Sabay-sabay naman nilang banggit, “Promise po. Kulang po talaga ang pambili namin.” Subalit tatlo sila at dalawa lang binili nila. Tinanong ko kung bakit ang isa wala. Ang sagot naman nila wala raw talaga kasing pambili. Kaya naman ang ginawa ko dinagdagan ko na lang ng isang mask at ang kulang nila para makabili silang tatlo. Agad-agad naman ikinatuwa ng mga bata dahil magkakaroon na silang pang project. Kinabukasan, nagkakanda-ubusan na ang mask whole white dahil nga sa naging project ito. Mabuti na lamang ay nakapaghanda kaagad ako ng buffer stock.