Pusong Panday 2.0
Ilan sa mga nakasanayan kong gawin sa trabaho ay ang pumasok nang maaga at hindi ko sinasagad na ubusin ang aking oras tuwing breaktime. Dahil dito ay madalas na napapansin pala ito ng isa naming Probee kaya naman nagtanong siya sa akin kung bakit hindi ko daw inuubos ang aking oras sa breaktime. Ito naman daw ay pribelehiyo namin na gamitin.
Pinaliwanag ko na sarili kong desisyon ang pagpasok nang maaga, dahil sa mga ilang kadahilanan. Una, upang hindi masyado ma-late ng break ang mga susunod na Kapwa regular. Ito ay paraan ko ng pangangalaga sa ating kasama na makapag-break sila sa tamang oras. Pangalawa, ito ay aking natutunan sa tulong ng Kultura ng Tagumpay ng ating kompanya na tumulong ng walang hinihinging kapalit. At huli ay malaking tulong din ito sa aking gawain upang mas marami akong magawa o matapos sa pagpasok ko ng maaga. Kaya naman pinagmamalaki ko sa kanya ang pagkakaroon ng isang Pusong Panday, kung saan pagmamahal sa Kapwa kasama, dedikasyon sa trabaho at paglilingkod na walang hinihinging kapalit ang pinapahalagahan. Ngayon mas nauunawaan na ng aming Kapwa Probee kung bakit ko ito ginagawa.