Pusong Panday 3.0
Sa aming paglabas ni Kapwa Aljon sa Furao ES nitong nakaraang Linggo, may lumapit sa amin sa gitna ng aming pamamahinga sa isang kubo. Tinanong ako kung marunong daw ba akong mag-connect ng printer sa laptop. Tinanong ko rin kung anong printer ito. HP wireless 415 printer ito at sa tindahan daw nabili kasama ng laptop. Matagal na raw kasi nila itong nabili ngunit hindi daw magamit ng estudyante niyang anak dahil hindi raw nila alam kung paano connect. Nagpapaprint na nga lang daw ang kanyang anak sa labas kahit na may laptop at printer naman ito. Hindi naman daw nila ito madala sa tindahan dahil wala daw magbabantay sa kanilang pansitan. Nakiusap pa na baka raw maaaring maglaan kami ng ilang minuto upang makita ito. Pumayag ako dahil wala pa naman ang Principal na hinihintay namin sa isang school at katabi lang naman ng school na sadya namin ang kanilang bahay.
Sa una, medyo natagalan kami dahil hindi alam ang password ng laptop at tinawagan pa ang kanyang anak na nasa school. Wala na rin ang manual nito na syang guide sana namin. Mabuti na lang at naka-wifi naman sila kaya gumamit na lang kami ng YouTube. Hindi nagtagal ay na-i-connect din namin ito ni Kapwa Aljon at ganoon na lang ang saya ng Tatay na Panauhin. Sabi pa nga nito na kapag daw matuloy ang workshop sa katabi nilang school ay sa bahay na lang daw nila kami kakain bilang kapalit ng serbisyong ginawa. Labis ang kanyang pasasalamat at hindi maipintang ngiti sa kanyang mukha. Wala naman akong masabi kundi walang anuman lalo at sa tindahan din naman nila ito binili. Sa paglabas namin sa kanilang bahay ay nakaramdam ako ng kakaibang satisfaction. Lubos din ang saya ng aking puso dahil kay Pandayan, nakakapagbahagi na ako ng munting tulong.