Sa Isang Iglap
Maikli lamang ang buhay kaya pahalagahan ang lahat at mahalin. Isang di inaasahang pangyayari ang aking naranasan nitong nakaraan lamang. Nadisgrasya kasi ako habang papasok sa trabaho. Habang nagmamaneho ako ng aking motor, bigla na lang akong nag-slide. Umaambon din kasi at basa ang daan. Agad akong tumayo mula sa pagkakahiga ko sa kalsada. Mabuti na lamang ay wala akong kasunod. Di ako matulin kaya di naman ako nasugatan. Nagasgas lang ang gilid ng aking motor. Maraming tao ang lumapit sa akin matapos makita ang nangyari. Nagtatanong kung paano ako natumba. Eh ako nga rin nagulat at parang natulala dahil pagkakaalam ko ay maingat naman ako. Ngayon ko nga lang naranasan maaksidente sa daan. Pagkatapos ay tiningnan ko kung may problema sa motor ko. Ayos naman ang mga preno. Good condition at bago ang mga gulong. Higit sa lahat ay maayos naman ang makina at iba pang mga parts. Dahil lang siguro talaga sa dulas ng daan. Maayos naman akong nakapagbihis pa ulit sa bahay at saka tumuloy sa pagpasok sa trabaho. Nahuli nga lang ako nang kaunti. Sa nangyari, naisip ko kung gaano kabilis mawala ang lahat, isang iglap lang, kung kailan hindi tayo handa. Mula ngayon mas mag-iingat na ako. Mas pahahalagahan ko na rin ang mga bagay na meron ako. Higit sa lahat, mas ibuhos ko pa lalo ang aking oras at sarili sa aking pamilya.