Sarilikha Savings sa Gipitang Sitwasyon
Nang kami ay nakapag-out na sa tindahan, kinuha ko ang aking cellphone upang kumustahin sa aking nanay ang aming bunsong kapatid na noong umaga nga na iyon ay may lagnat. Ako ay nalungkot dahil ang aking kapatid pala noong gabi rin na iyon ay dinala nila sa hospital sapagkat ito raw ay ilang beses ng nagsusuka. Labis akong nabahala lalo na at tatlong taon pa lang ang aming bunsong kapatid at sadyang nakakabahala talaga kapag bata ang nagkakaroon ng sakit sa pamilya. Nagkataon pa na lahat ng hospital na mayroon sa Guimba ay punuaan na ang mga kuwarto kaya mas lalo akong nabahala. Sinabi ko sa aking Nanay at Tatay na sa Tarlac Provincial Hospital na lang dalhin kahit na medyo may kalayuan. Nagbakasakali na lang din sila na may kwarto pa para sa aking kapatid at buti na lang mayroon pa naman.
Halos alas dose na rin nang makapasok sila sa kuwarto sa hospital at tumawag sa akin ang aking Nanay sapagkat iilan lang ang pera na kanyang dala at sa kanyang palagay ay hindi ito kakasya sa mga gamot na bibilhin. Sa isip ko noong oras na iyon ay iilan na lang din ang hawak kong pera sapagkat naipamili ko na rin ng gamit at grocery nila sa bahay bago ako bumalik dito sa Gerona. Pumasok sa isip ko na i-withdraw na lang ang aking savings sa Sarilikha. Agad kong binilang kung ilang buwan na rin akong nakakapag-impok dito at sa aking palagay ay malaking tulong na rin ito sa magiging gastusin nila Nanay habang sila ay nasa hospital.
Kinabukasan ay na-upload na sa aking ATM ang savings na na-withdraw ko sa Sarilikha at nakahinga ng maluwag ang aking Nanay nang iniabot ko ang pera sa kanya. Ako rin sa sarili ko noong araw na iyon ay nakahinga ng maluwag dahil hindi na poproblemahin pa nila Nanay at Tatay ang pambili ng gamot para sa aking kapatid. Alam ko rin kasi na noong araw din na iyon ay hindi pa nakakapagbiyahe ang aking Tatay kaya talagang kakapusin ang budget ni Nanay sa hospital.
Sobrang pasasalamat ko talaga na ako ay nakapag-impok sa Sarilikha at mabilis din ang proseso lalo na kapag nasa ganitong sitwasyon. Kaya naman para ako ay mas makapag-impok pa ay naisip kong dagdagan ang aking shares dito lalo na ngayon na ako ay FLA na rin. Naisip ko na nakakaraos naman sa dati kong sahod kaya baka kaya kong idagdag sa aking shares ang naidagdag sa aking sahod ngayon. Mas okay din talaga na may huhugutin ka lalo na sa mga ganitong pagkakataon na nagkakaroon ng biglaang pangyayari.