Tiwala sa Sarili
Sa mga nakaraang araw ay maraming panauhin ang nagpapagawa ng pasadya dahil din siguro sa araw na iyon ay may gaganaping board exam sa isang universidad.
May isang panauhin ang nagpagawa ng BoBo balloon. Tinanong ko sa panauhin kung anong oras niya ito kukunin. Agad naman siyang tumugon ng "Mamayang hapon, paglabas ng anak ko na nag-eexam." Napaisip ako na napakaswerte naman ng anak nito dahil suportado at confident sila sa kanilang anak. Kahit hindi pa lumalabas ang resulta ng exam ay buo ang tiwala nila sa kanilang anak.
Kaya habang ginagawa ko ang pasadya ay nagkukwento ako sa aking isipan. Nakakalungkot pero ok lang kasi ganoon talaga ang buhay. Simula kasi nag-graduate ako ng elementary, high school at college ay hindi ko nadama na masaya sila para sa akin. Kaya ko ito nabanggit dahil kahit kaunting handa ay wala akong naranasan. Kaya nakikikain ako sa mga kaklase ko, pero sa isip ko ay naiingit ako sa kanila kasi kahit simpleng handa ay proud na proud sila sa kanilang anak.
Kaya parati nasa isip ko noon ay ganoon talaga ang buhay at wala na akong magagawa. Inisip ko na lang baka rin sa aming kahirapan ay wala maipambili ang aking magulang. Kaya nangarap na lang ako na maabot ko ang mga gusto ko para maibigay sa sarili at sa pamilya ko ang hindi namin naranasan noon. “Tiwala lang. Kaya ko ‘to!” wika ko sa sarili ko.