Tulong sa Estudyante
Nakaraang hapon lamang ay naka-encounter ako ng isang Panauhin na estudyante na bumili ng mga gamit pang-eskwela. Noong oras na iyon ako ang nasa counter habang pina-punch ko ang kanyang mga binili pansin ko sa kaniya na parang kukulangin siya. Nang mai-total ko na at sinabi ang kabuuang halaga ng kaniyang pinamili ay iniabot niya ang kaniyang pambayad ngunit noong binilang ko ay kulang. Sinabi ko na kulang ang kanyang pera at nagsalita siya bigla "Iyan na lang po ang pera ko."
Gusto sana niyang bawasan ang kaniyang binili pero may alinlangan sa kanyang mata. Napansin ko iyon at tinanong ko siya, “Mabuhay Sir! Lahat po ba iyan, Sir, ay kailangan mo po sa school?" Tumango siya at yumuko sapagkat mahaba ang pila siya ay yumuko na lamang. Hindi ako nagdalawang isip na sabihin na "Sige po, sir. Ako na lang po bahala. Okay na po ito," ngumiti siya at kita ko sa mata niya ang pasasalamat kahit hindi siya nagsalita noong oras na iyon.
Umalis siya nang nakayuko pa rin ngunit kita ko sa mata niya na natutuwa siya. Ako man ay natutuwa sapagkat kahit maliit na halaga lang ang aking inabonohan ngunit malaki na rin iyon para sa estudyante. Pinagdaanan ko rin ang maging isang estudyante at may mga kapatid din akong mga nag-aaral pa.
Sa mga oras na iyon napaisip talaga ako. Napatanong ako na "What if ganoon din ang nangyari sa mga kapatid ko?" Sabi nga nila kapag gumawa ka ng kabutihan tiyak na ibabalik ng Panginoon sa iyo. Ngunit hindi naman ako naghahangad ng kapalit o kaya kabayaran sa kusang gawa o tulong ko sapagkat bukal sa kalooban ko ang tulong na ginawa ko.
Sapat na sa akin ang ngiti na nasilayan ko sa Panauhing estudyante na iyon. Hindi lang pera o anumang bagay ang maaaring maging kabayaran sa kabaitan ng isang tao kundi kahit simpleng ngiti, pakikipagkamay, pagkaway at pagtango at maging pagpapasalamat ay sobra kong ikinagagalak iyon.